Manifesto of Alyansang Tapat sa Lasallista on the NBN-ZTE Broadband Deal
Ibasura ang administrasyong imoral at walang paninindigan!
Sa paglalayon para sa isang sambayanang makatarunga’t malaya, nagkaisa ang Alyansang Tapat sa Lasallista upang labanan ang lantarang katiwalian sa ating gobyero.
Marami sa mga kababayan nating nasa media ang dinudukot at pinapaslang upang hindi maisiwalat ang mga anomalya ng ating pamahalaan. Patuloy ang paghihigpit laban sa malayang pamamahayag.
Nasaan na ang demokrasya?
Nagdaan ang Hello Garci, extra-judicial killings at ang NBN-ZTE Broadband Deal. Napag-usapan, Napag-debatihan, Napag-awayan. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring nananagot sa mga pagkakamaling ito.
Nasaan na ang katarungan?
Iba’t ibang panig na ang nagsalita ukol sa NBN-ZTE Broadband Deal. Magkakasalungat ang mga testimonya. Lumantad si Jun Lozada, tulad ng iilan pang naglakas-loob upang bigyang linaw at iwasto ang maling pamamalakad sa gobyerno ngunit tulad ng dati, inabuso ng pamahalaan ang kapangyarihan nito upang baluktutin at itago ang katotohanan.
Nasaan na ang katotohanan?
Tuligsain natin ang malawakang korupsyon at paglabag sa karapatang pantao. Ipaglaban natin ang hustisya, hanapin ang mga dapat managot para sa lahat ng katiwaliang nagaganap sa ating bansa. Ibalik natin ang demokrasya, katarungan, at katotohanan sa ating pamahalaan.
Ibalik ang karapatan ng bawat Pilipino!